
Pagkadurog at Pagpapakumbaba
Santiago 4:1-10 • Arnel Rivera • June 7, 2020 • Listen on Spotify
Santiago 4:1-10 (MBBTAG)
1 Saan nanggagaling ang inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba't nagmumula iyan sa mga pagnanasang naglalaban-laban sa inyong kalooban? 2 Mayroon kayong ninanasa ngunit hindi ninyo makamtan, kaya't pumapatay kayo, mapasainyo lamang iyon. May mga bagay na gustung-gusto ninyo ngunit hindi ninyo maangkin, kaya kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong ninanais dahil hindi kayo humihingi sa Diyos. 3 At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap dahil hindi tama ang inyong layunin. Humihingi kayo upang mapagbigyan ang inyong kalayawan. 4 Mga taksil! Hindi ba ninyo alam na kapag nakipagkaibigan kayo sa sanlibutan ay kinakaaway naman ninyo ang Diyos? Ang sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos. 5 Huwag ninyong akalaing walang kabuluhan ang sinasabi sa kasulatan, “Ang espiritung inilagay ng Diyos sa atin ay punô ng matitinding pagnanasa.” 6 Ngunit ang Diyos ay nagbibigay ng higit pang pagpapala. Kaya't sinasabi ng kasulatan, “Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas ngunit pinagpapala niya ang mga mapagpakumbaba.”
7 Kaya nga, pasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan niya kayo. 8 Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Hugasan ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip. 9 Maghinagpis kayo, umiyak at tumangis! Palitan ninyo ng pagluha ang inyong tawanan, at ng kalungkutan ang inyong kagalakan! 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo.
Notes
Si Santiago, na kapatid ni Jesus kay Maria ay sumulat sa mga mananampalatayang Judio na namumuhay sa iba’t-ibang dako ng mundo. Nilalaman ng kanyang sulat ang mga praktikal na karunungan, kasama ang paksa sa tamang pananalangin. Tinalakay din niya ang kahalagahan ng kapakumbabaan sa harap ng Diyos, ngunit inihayag din ang masamang pag-uugali at hindi angkop na pananalangin.
Ang pinagmumulan ng away at kaguluhan sa mga mananampalataya ay ang mga masasamang nasa. Kabilang dito ang makasariling layunin, inggit, masamang hangarin at kakulangan sa pananalangin. (tal.1,2) Kaya nga, iwasan natin ang mga ito, at sa halip ay manalangin sa Diyos.
Ang isa sa mga hadlang sa pananalangin ay ang maling motibo, kung paanong ito ay pagiging makasarili at makamundo. Ang pagiging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos. (tal.3-5). Kaya nga, marapat na ang ating motibo ay kay Cristo lamang, at hindi sa pansariling hangarin, ganun din na hindi makasanlibutan. Kapag ang ating kaligayahan ay ang mga hindi biblikal na sistema ng mundo, tayo’y maituturing na kaaway ng Diyos.
Ang Diyos ay nagkakaloob ng biyaya sa mga mapagkumbaba subalit napopoot sa mga mapagmataas. (tal.6). Kaya’t matakot tayo sa Kanya at manatiling mapagkumbaba. Kung hindi ay mananatiling laban ang Diyos sa atin.
Ang kapakumbabaan sa Diyos ay nangangahulugan ng pagpapasakop sa Kanya at sa Kanyang kalooban. Ang nagpapasakop na kaluluwa ay magagawang labanan ang kaaway (devil) at nagagawang palayain ang sarili dito (tal.7). Kaya nga, magpasakop tayo sa kalooban ng Diyos, na ito ay ang Kanyang salita. At sa ganitong kalagayan, magagawa nating labanan ang masama. Si Cristo ang halimbawa nang labanan Niya ang pagtukso ng kaaway. Binigkas Niya ang nasasaad sa Banal na Kasulatan laban sa tukso.
Ang paglapit natin sa Diyos ay pananatili Niya sa ating buhay. Paano? Dalisayin ang ating puso ng Kanyang salita at lumayo sa kasalanan at alisin ang mga pagdududa sa Kanya. Tumangis dahil sa ating kasalanan. Huwag akalain na ito ay maliit na bagay lang o magdahilan pa (nagpapalusot pa) (tal.8-9). Kaya nga, mahalaga na panatilihing malapit tayo sa Diyos. Hindi sa ating pagiging emosyonal, kundi sa pamamagitan ng matapat na pagsisisi at pananampalataya.
Ang lahat ng kaunlaran ay nagmumula sa Diyos. Ang utos ay kapakumbabaan sa sarili, at itataas Niya tayo. (tal.10). Hindi ng mga tao kundi ang Panginoon. Kaya nga, bawat isa ay manatiling magpakababa sa harap ng Makapangyarihan.
Pagsasabuhay
Bilang komunidad ng mga mananampalataya, panatilihing malinis at mapagkumbaba sa harap ng Diyos. Bilang pamilya, ganun din ang ating marapat gawin at manatiling maayos ang sarili nang sa gayon ay maiwasan at tuluyang mapawi ang pag-aaway away. Bilang indibidwal, panatilihing malinis ang puso, hayaan sa pagkadurog at pagpapakumbaba ang ating sarili sa harap ng Makapangyarihan. Sa Kanyang biyaya, itataas Niya tayo.