Ang Tipan kay Moises
Ang Aklat ng Exodo - Part 30 • Exodus 20:1-26 • Saklaw na Kabanata 19-24 • Hunyo 28, 2020 • 8:00 AM
Scripture: Exodo 20:1-26 MBBTAG
1 Ang lahat ng ito'y sinabi ng Diyos: 2 “Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin.
3 “Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.
4 “Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. 5 Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi. 6 Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan.
7 “Huwag mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang sinumang gumamit nito nang walang kabuluhan.
8 “Lagi mong tandaan at ilaan para sa akin ang Araw ng Pamamahinga. 9 Anim na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. 10 Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na ito'y huwag magtrabaho ang sinuman sa inyo; kayo, ang inyong mga anak, mga aliping lalaki o babae, ang inyong mga alagang hayop, ni ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 11 Anim na araw kong nilikha ang langit, ang lupa, ang mga dagat at ang lahat ng nasa mga ito. Ngunit namahinga ako sa ikapitong araw. Kaya't ito'y aking pinagpala at inilaan para sa akin.
12 “Igalang mo ang iyong ama at ina. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.
13 “Huwag kang papatay.
14 “Huwag kang mangangalunya.
15 “Huwag kang magnanakaw.
16 “Huwag kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.
17 “Huwag mong pagnanasaang maangkin ang sambahayan ng iyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alilang lalaki o babae, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya.”
18 Nanginig sa takot ang mga Israelita nang marinig nila ang dagundong ng kulog at tunog ng trumpeta, at makita ang kidlat at ang usok sa bundok. Nanatili silang nakatayo sa malayo. 19 Nang lumapit sa kanila si Moises, sinabi nila, “Ikaw ang magsalita sa amin at makikinig kami; huwag na ang Diyos at baka kami mamatay.”
20 Sinabi sa kanila ni Moises, “Huwag kayong matakot, sapagkat sinusubok lang kayo ng Diyos. Nais lang niyang magkaroon kayo ng takot sa kanya sapagkat ayaw niya kayong magkasala.” 21 Ngunit nanatili pa rin sa malayo ang mga tao; si Moises lamang ang lumapit sa makapal na ulap na kinaroroonan ng Diyos.
22 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Narinig ninyo nang ako'y magsalita mula sa langit. 23 Huwag kayong gagawa ng anumang diyus-diyosan, pilak man o ginto. 24 Gumawa kayo ng altar na yari sa lupa at doon ninyo susunugin ang inyong mga handog para sa kapayapaan; doon din ninyo susunugin ang handog ninyong mga tupa at mga baka. Doon ninyo ako sasambahin sa lugar na ituturo ko sa inyo. Pupunta ako roon at pagpapalain ko kayo. 25 Kung gagamit kayo ng bato sa altar na inyong gagawin, huwag kayong gumamit ng batong tinapyasan ng paet. Ang paggamit ng paet ay isang paglapastangan. 26 Huwag ninyo akong igagawa ng altar na may baytang paakyat upang hindi malantad ang inyong kahubaran.”
Notes
Inalis ng Diyos ang bayang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Sa pamamagitan ng 10 salot, hinatulan ng Diyos ang lahat sa Ehipto. Sa Kanyang makapangyarihang kamay, binuksan Niya ang Dagat na Pula upang puksain ang hukbo ng mga Ehipto. Sa pagliligtas ng Kanyang bayan mula sa humahabol na mga karwahe ng Faraon, isinara ng Diyos ang dagat upang tuluyang mapuksa ang hukbo ng Ehipto. Dadalhin ng Diyos ang Israel sa Sinai upang doon ay isakatuparan ang Kanyan tipan sa bayan para masunod ang Kanyang layunin. Itinangi ng Diyos ang bayang ito kung saan ang Mesiyas ay doon isisilang.
Ang tagubilin ng Diyos kay Moises upang ihanda ang mamamayan para sa Tipan (kab. 19:1-25). Sa paghahanda ng mamamayan ay nilinis nila ang kani-kanilang sarili upang makipagtipan sa Diyos doon sa Sinai. Sinadya ng Diyos na gumawa ng tipan sa Israel upang gawin silang mamamayan Niya, at Siya ang magiging Diyos nila.
Ang pagkatatag ng mga Kautusan sa Tipan ng Diyos para sa Israel (kab. 20-23). Ibinigay ng Diyos ang Sampung Utos sa kanila. Ang unang bahagi ay nakatuon sa kaugnayan o relasyon ng tao sa Diyos. At ang ikalawa ay nakatuon sa kanilang kaugnayan sa kapwa Israelita. Nakapaloob dito ang tungkol sa pagkaalipin, makapaminsala, ari-arian, araw ng pangilin at pambansang kapistahan.
Ang pagtitiyak sa pagsunod ng bayan sa lahat ng kautusan sa Tipan (kab. 24:1-18). Sa iisang tinig, nangako ang Israel na susundin ang lahat ng utos ng Panginoon. Sina Moises, Aaron, Nadab, Abihu, at ang pitumpung (70) nakatatanga ay sinelyuhan o pinagtibay ang tipan na bahagi ang pagsasalo-salo sa pagkain. At umakyat si Moises sa bundok na lumapit sa Diyos.
Pagsasabuhay
Ating tingnan na ang Mosaic Covenant ay bahai sa pananaw ng Bagong Tipan kay Cristo. Ang Mosaic Law ay nagpapahayag ng kasalanan. Subalit ang Kautusan ay hindi nakapagliligtas ng kaluluwa ng tao mula sa pinsala ng kasalanan, kung paanong ito ay walang katapusang pagdurusa.
Ang Bagong Tipan kay Cristo ay nagpapahayag na may kapatawaran sa kasalanan sa pamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya. Binayaran ni Cristo ang ating kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Sa gayon, lahat ng tao ay magpapakumbaba at magsisisi at marapat na sumunod kay Cristo.
Hinahangad ng Diyos na magkaroon ng mga taong namumuhay sa ilalim ng Kanyang tipan. Sa Bagong Tipan, sila ay tinatawag ng Iglesia (Church), ang kapulungan ng mga tinawag ng Diyos. Ang Bagong Testamento ay nagpapakita na ang Kanyang mga lingkod ay nagtatatag ng mga lokal na iglesia. Sa gayon, tayo ay magpapatuloy sa paglago kasama ang komunidad ng mga tinawag bilang tunay na mamamayan ng Diyos.