Pangunahing Saligan ng

Evangelio (Magandang

Balita) 

Series Break • Lucas 24:44-49 • Agosto 23, 2020

 
 
 

Lucas 24:44-49 MBBTAG

44 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasa-kasama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa aklat ng mga propeta, at sa aklat ng mga Awit.”

45 Binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magdusa at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. 47 Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng mga bansa, magmula sa Jerusalem. 48 Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. 49 Tandaan ninyo, isusugo ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya't huwag kayong aalis sa Jerusalem hangga't hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihang mula sa langit.”

Notes

Bago bumalik si Cristo sa Ama ay Kanyang binuksan ang kaisipan ng Kanyang mga desipulo kung paano Niya naisakatuparan ang Kautusan, ang nasulat sa Mga Awit, at ang sinabi ng mga Propeta tungkol sa Kanya. Gayunman, Siya’y nagbigay nang panghuling mensahe sa Kanyang mga apostol tungkol sa mga katotohanan ng Kanyang kamatayan, muling pagkabuhay, at ang mensahe nang pagsisisi sa kasalanan. 

Bukod pa riyan, ang mga apostol ay marapat ipangaral ang pagsisisi para sa kapatawaran ng kasalanan sa Kanyang pangalan. Na tanging sa pangalan ni Jesu Cristo lamang. Ang mensahe ng Evangelio ay dapat ikalat o ipahayag sa bawat bansa, na nangangahulugang mga tribu, lengguwahe, at mga grupo ng mga mamamayan.

  1. Ang Panginoong Jesus ay nagpaala-ala sa Kanyang mga desipulo ng Kanyang mga itinuro tungkol sa Kanyang sarili at kung paano Niya natupad ang Kautusan, ang nasasaad sa Mga Awit, at ang tinukoy ng mga Propeta. Binuksan Niya ang kanilang isipan upang maunawaan ng mga alagad ang nasasaad sa Banal na Kasulatan (tal.44-45). 

  2. Ang Panginoong Jesus ay nagpaliwanag na Siya, ang Cristo, ay dapat na dumanas nang paghihirap at muling mabuhay mula sa kamatayan sa ikatlong araw. At ang pagsisisi para sa kapatawaran ay dapat ipahayag sa Kanyang pangalan sa lahat ng mga bansa (tal.46-47).

  3. Ang mga desipulo ay nasaksihan ang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus. Kaya’t sila ay tinawag ni Cristo bilang mga saksi. Tiniyak ni Cristo sa kanila ang pangako ng Ama, at ng Banal na Espiritu, na siyang nagbigay kapangyarihan sa kanila (48-49).

Pagsasabuhay

  1. Manalig na si Cristo ang katuparan ng Kautusan, ang nasulat sa Mga Awit, at ang tinukoy ng mga Propeta. Marapat nating pag-aralan ang Lumang Tipan na kasama ang ating pananaw sa Bagong Tipan, na kung paanong si Cristo ang pinakasentro o buod sa plano ng Diyos.

  2. Ang pangunahing saligan ng Evangelio ay ang paghihirap, kamatayan, at muling pagkabuhay ng Panginoon na mahalagang marapat nating ipinapahayag. Higit pa riyan ay ipangaral natin ang pagsisisi sa kasalanan sa pangalan ni Jesu Cristo sa lahat ng uri ng mamamayan. 

  3. Manalig sa mga aral ng Kanyang mga apostol tungkol sa kung sino si Jesu Cristo. At tayo’y sumunod sa kung paano nila pinatotohanan ang tungkol sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Magtiwala na tayo’y gagabayan ng Espiritu Santo sa ilalim ng Kanyang kapangyarihan.

  4. Sa ating paksa ngayon ay mahalagang humanap tayo nang paraan na mailantad ang mensahe sa pamamagitan ng internet, at sa bawat mga tahanan. Kaya’t himukin natin ang isa’t-isa na magsimula ng growth groups online o simulan natin sa ating bahay ang pagbuo ng Iglesia. 

  5. Sa panahong itinakda ng Diyos, tayo’y sama-sama sa pagpapalawig ng ministeryo sa iba’t-ibang lugar ng Bicol at sa buong mundo. Subalit pag-aralan muna natin ang malugod na pagtanggap sa mga tao sa ating mga sariling tahanan kung saan ay maipapahayag natin ang Kanyang salita.