Ang Pagsilang ng Iglesia

Series Break • Gawa 1:6-14; 2:1-38 • Agosto 30, 2020

 
 
 

Gawa 1:6-14 MBBTAG

Nang magkatipon si Jesus at ang mga alagad, nagtanong sila kay Jesus, “Panginoon, itatatag na po ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?”

Sumagot si Jesus, “Ang mga panahon at pagkakataon ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon. Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.”

Pagkasabi nito, si Jesus ay iniakyat sa langit habang ang mga alagad ay nakatingin sa kanya, at natakpan siya ng ulap.

10 Habang sila'y nakatitig sa langit at siya'y iniaakyat, may dalawang lalaking nakaputi na lumitaw sa tabi nila. 11 Sabi nila, “Kayong mga taga-Galilea, bakit kayo nakatayo rito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik gaya ng nakita ninyong pag-akyat niya.”

12 Nagbalik sa Jerusalem ang mga apostol buhat sa Bundok ng mga Olibo, na halos isang kilometro ang layo sa lungsod. 13 Pagdating sa bahay na kanilang tinutuluyan, umakyat sila sa silid sa itaas. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. 14 Lagi silang nagsasama-sama upang manalangin kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, gayundin ang mga kapatid ni Jesus.

Gawa 2:1-38 MBBTAG

1 Nagkakatipon silang lahat sa isang lugar nang sumapit ang araw ng Pentecostes. Walang anu-ano'y may ingay na nagmula sa langit, na tulad ng ugong ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang parang mga dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.

May mga debotong Judio noon sa Jerusalem na nagmula sa bawat bansa sa buong mundo. Nang marinig nila ang ugong, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa wika ng mga nakikinig. Sa pagkamangha at pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba taga-Galilea silang lahat? Bakit sila nakapagsasalita sa ating wika? Tayo'y mga taga-Partia, Media, Elam, Mesopotamia, Judea at Capadocia, Ponto at Asia[a]. 10 Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Pamfilia, Egipto at sa mga lupain ng Libya na malapit sa bayan ng Cirene, at mga nagmula sa Roma, mga Judio at mga Hentil na nahikayat sa pananampalatayang Judio. 11 May mga taga-Creta at Arabia rin. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos?” 12 Hindi nila lubusang maunawaan ang nangyari, kaya't nagtanungan sila, “Ano ang kahulugan nito?”

13 Ngunit may ilang nagsabi nang pakutya, “Lasing lang ang mga iyan!”

14 Kaya't tumayo si Pedro, kasama ng labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga taga-Judea, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. 15 Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng palagay ninyo. Alas nuwebe pa lamang ng umaga ngayon. 16 Ang nakikita ninyo'y katuparan ng ipinahayag ni Propeta Joel,

17 ‘Ito ang gagawin ko sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos,
‘Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao;
    ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki at babae ang aking mensahe.
Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain,
    at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip.
18 Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu,
    sa aking mga alipin, maging lalaki at maging babae,
    at ipahahayag nila ang aking mensahe.
19 Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit
    at mga himala sa lupa;
    dugo, apoy at makapal na usok.
20 Ang araw ay magdidilim,
    ang buwan ay pupulang parang dugo,
    bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ng Panginoon.
21 At sinumang tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’

22 “Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap sa kalagitnaan ninyo. 23 Ang Jesus na ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama. 24 Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos at pinalaya mula sa kapangyarihan ng kamatayan, sapagkat hindi maaaring siya'y bihagin nito, 25 gaya ng sinabi ni David tungkol sa kanya,

‘Nakita ko ang Panginoon na lagi kong kasama,
    hindi ako matitinag sapagkat kapiling ko siya.
26 Dahil dito, natuwa ang puso ko at
    ang mga salita ko'y napuno ng galak,
    at ang katawan ko'y mananatiling may pag-asa.
27 Sapagkat ang kaluluwa ko'y di mo pababayaan sa daigdig ng mga patay,[b]
At hindi mo hahayaang makaranas ng pagkabulok ang iyong Banal na Lingkod.
28 Itinuro mo sa akin ang mga landas patungo sa buhay,
    dahil ikaw ang kasama ko, ako'y mapupuno ng kagalakan.’

29 “Mga kapatid, may katiyakang sinasabi ko sa inyo na ang ninuno nating si David ay namatay at inilibing, at naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon. 30 Siya'y propeta at alam niya ang pangako sa kanya ng Diyos, na magiging haring tulad niya ang isang magmumula sa kanyang angkan. 31 Noon pa man ay nakita na ni David ang muling pagkabuhay ng Cristo at ipinahayag niya ito nang kanyang sabihing, ‘hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay,[c] at hindi nakaranas ng pagkabulok ang kanyang katawan.’ 32 Ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos at saksi kaming lahat sa pangyayaring iyon. 33 Pinaupo siya sa kanan ng Diyos at tinanggap niya mula sa Ama ang ipinangakong Espiritu Santo. Ito ang kanyang ibinuhos sa amin, tulad ng inyong nakikita at naririnig. 34 Hindi si David ang umakyat sa langit, kundi sinabi lamang niya,

‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
    “Maupo ka sa kanan ko,
35 hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’

36 “Kaya't dapat malaman ng buong Israel na itong si Jesus na ipinako ninyo sa krus ay siyang ginawa ng Diyos na Panginoon at Cristo!”

37 Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig ito, kaya't tinanong nila si Pedro at ang ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?”

38 Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.

Notes

Ang mga alagad (desipulo) ay nagtanong sa Panginoon tungkol sa muling pagpapanumbalik ng kaharian ng Israel. Subalit pinawi ng Panginoon ang mga ganoong kaisipan sa kanila. Ang Ama ay gumagawa ayon sa Kanyang plano at sa Kanyang panahong itinakda. Ngunit ang mga desipulo ay dapat alalahanin ang kanilang mga gawa, kung paanong ito ay pangangaral ng Evanghelio sa lahat ng panig sa mundo, sa bawat lengguwahe, tribu, at mga bansa. Sinabihan sila ng Panginoon na hintayin ang pagdating ng Banal na Espiritu, ang pangako (1:8; Lucas 24:49).

  1. Ang mga desipulo ay tumalima sa Panginoon. Sila ay naghintay sa Jerusalem hanggang sa pagdating ng Espiritu Santo. Habang sila’y naghihintay, sila ay nagkaisang sama-sama sa patuloy at matapat na pananalangin, kasama si Maria na ina ni Jesus, at ang Kanyang mga kapatid (kab. 1:12-14).

  2. Sa araw ng Pentecostes, ang Banal na Espiritu ay dumating sa mga desipulo na may malinaw na kapahayagan, kapansin-pansin ang pagsasalita sa iba’t-ibang wika (kab. 2:1-4). Ang mga Judio na galing sa iba’t-ibang panig ng mga bansa ay narinig ang kanilang lengguwahe mula sa mga desipulo (kab. 2:5-6). Sila’y namangha. Inakala pa ng marami na sila (mga desipulo) ay mga lasing.

  3. Nagpaliwanag si Pedro na sila ay hindi mga lasing. Siya ay agad nangaral ng magandang balita kay Cristo. Ang pangunahing paksa sa mensahe ni Pedro ay nakatuon sa tagubilin ng Panginoon (Lucas 24:44-49). Pinahayag niya si Cristo mula sa Kasulatan, pagkatapos ay ibinaling ang mensahe sa paghihirap, kamatayan, at muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. Gayundin, ipinangaral niya na ang mga tao ay dapat magsisi sa kasalanan (kab. 2:14-38).

Pagsasabuhay

  1. Tayo ay magpatuloy sa pananalangin na maging tuloy-tuloy ang gawain ng Diyos. Tayo nawa’y tuluyang puspusin ng Espiritu sa pamamagitan ng pananalangin at sa pamamagitan ng Salita. Magsama-sama at magkaisang nagpapatuloy tayo sa pananalangin at huwag nating pabayaan ito. 

  2. Tayo ay magtiwala sa Banal na Espiritu kung paanong Siya ang pumupuspos sa atin. Ang Espiritu ng Diyos ang tanging nagliligtas. Hindi natin magagawa sa sariling lakas at karunungan o maging sa sariling magagawa ang mga gawa ng Diyos kung wala ang Espiritu ng Diyos.

  3. Maging tapat sa pangangaral ng Ebanghelio sa pagpapaliwanag na si Cristo ang diwa o sentro sa mga plano ng Diyos ayon sa Banal na Kasulatan. Ipahayag natin ang Kanyang paghihirap, kamatayan, at muling pagkabuhay. Gayundin, ating ipangaral ang pagsisisi para sa kapatawaran ng kasalanan. 

  4. Ipahayag natin si Cristo online at maging sa ating mga kapitbahayan. Mahalagang maunawaan ng mga tao na tanging si Cristo ang sentro ng ating mga buhay. At dahil diyan, sila man ay magsisi ng kanilang mga kasalanan at mamuhay din silang kapiling si Jesu Cristo.