Ang Dakong Banal

Aklat ng Exodo - Part 35 • Exodo 25:23-40; 30:1-10 • Agosto 2, 2020

 
 
 

Exodo 25:23-40 MBBTAG

23 “Gagawa ka rin ng isang mesang yari sa akasya na 0.9 metro ang haba, 0.5 metro ang lapad, at 0.7 metro ang taas. 24 Balutan mo ito ng purong ginto at paligiran mo ng muldurang ginto. 25 Lagyan mo ang gilid nito ng sinepa na singlapad ng isang palad at paligiran din ng muldurang ginto. 26 Gumawa ka ng apat na argolyang ginto at ikabit mo sa apat na sulok, sa may tapat ng paa nito. 27 Ang mga argolyang pagkakabitan ng mga kahoy na pampasan ay malapit sa sinepa. 28 Gumawa rin kayo ng pampasan na yari sa akasya at babalutin din ito ng ginto. 29 Gumawa rin kayo ng mga kagamitang ginto: plato, tasa, banga at mangkok para sa mga handog na inumin. 30 Ang mga tinapay na handog ninyo sa akin ay ilalagay ninyo sa mesa sa harapan ko.

31 “Gumawa kayo ng ilawang yari sa purong ginto. Ang patungan at tagdan nito'y yari sa pinitpit na purong ginto. Ang mga palamuti nitong bulaklak, ang buko at mga talulot ay parang iisang piraso. 32 Lalagyan mo ito ng anim na sanga, tatlo sa magkabila. 33 Bawat sanga'y lagyan mo ng tatlong magagandang bulaklak na parang almendra, may usbong at may talulot. 34 Ang tangkay naman ay lagyan mo rin ng apat na bulaklak na tulad ng nasa sanga. 35 Lalagyan mo ng usbong sa ilalim ng mga sanga, isa sa ilalim ng bawat dalawang sanga. 36 Ang mga usbong, mga sanga, at ang tagdan ng ilawan ay gagawin ninyong isang piraso na gawa sa purong ginto. 37 Gagawa kayo ng pitong ilaw para sa mga patungang ito. Iayos ninyo ito upang ang liwanag nito'y nasa harap ng ilawan. 38 Ang pang-ipit ng mitsa at ang patungan ay dalisay na ginto rin. 39 Sa lahat ng ito ay 35 kilong purong ginto ang gagamitin ninyo. 40 Sundin mong mabuti ang planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.

Exodo 30:1-10 MBBTAG

1 “Gumawa ka ng altar na gawa sa akasya na sunugan ng insenso. Gawin mo itong parisukat: 0.5 metro ang haba, gayundin ang luwang at 0.9 na metro ang taas. Ang apat na sulok nito ay lalagyan mo ng sungay na kaisang piraso ng altar. Balutin mo rin ng purong ginto ang ibabaw, mga gilid, at ang mga sungay nito. Kabitan ito ng argolyang ginto sa magkabilang gilid, at sa ibaba para pagsuutan ng pampasan na yari sa punong akasya at babalutin din ng ginto. Pagkayari, ilagay ito sa labas ng kurtina ng Kaban ng Tipan at ng Luklukan ng Awa. Dito ko kayo tatagpuin. Tuwing umaga na aayusin ni Aaron ang ilawan, magsusunog siya rito ng insenso. Ganoon din ang gagawin niya kung gabi kapag inihahanda niya ang ilawan. Patuloy ninyo itong gagawin sa lahat ng inyong salinlahi. Huwag kayong magsusunog dito ng insensong iba sa iniuutos ko. Huwag din kayong magdadala rito ng handog na susunugin, maging hayop, pagkaing butil o inumin. 10 Minsan isang taon, gaganapin ni Aaron ang seremonya sa pagpapatawad ng kasalanan. Ang apat na tulis ng altar ay papahiran ng dugo ng hayop na handog para sa kasalanan. Gawin ninyo ito habang panahon. Ang altar na ito'y ganap na sagrado at nakalaan kay Yahweh.”

Notes

Inutusan si Moises ng Diyos na gumawa ng tabernakulo ayon sa mga disenyong ipinakita Niya. Sumunod si Moises kasama ang mga nagboluntaryong gumawa sa bawat detalye. Ang mga mamamayan naman ay nag-ambag ng kanilang kayamanan. Ipinahinto na ni Moises ang pagbibigay dahil sapat na ang mga kaloob. Maraming kalalakihan at kababaihan ang boluntaryong nakiisa sa pag-gawa ng mga kagamitan at mga telang kailangan para sa tabernakulo.

Sa dakong patyo ay nakatayo ang altar ng paghahandog at ang tansong palanggana. Sa dakong banal ay may nakatayong gintong ilawan, ang mesa ng handog na tinapay, at ang altar ng sunugan ng insenso. Sa dakong kabanal-banalan ay nakatayo ang kaban ng tipan at ang luklukan ng awa. Ating pag-uusapan ang mga kagamitang ito sa loob ng dakong banal.

  1. Ang Gintong Ilawan. Ang dakong banal ay walang bintana. Kaya’t ito ay madilim. Ang ilawan ay ang tanging pinagmumulan ng liwanag. Kung wala ito sa loob ng silid, ang mga punong pari (saserdote) ay hindi magagawang makapag-lingkod. (25:31-40)

    Si Cristo ang ilaw ng sanlibutan. Siya rin ang ilaw ng ating buhay (1Juan 1:5). Sinabi rin ni Jesus na tayo’y ilaw sa mundong ito. Kaya’t mahalaga na ating ibahagi ang Kanyang liwanag sa kapwa at huwag nating itinatago ito.

    1 Juan 1:5 — “Ito ang aming narinig sa kanyang Anak at ipinapahayag naman namin sa inyo: ang Diyos ay liwanag at walang anumang kadiliman sa kanya.”

  2. Ang Mesa ng Handog na Tinapay. Nagbigay utos ang Diyos kay Moises na maglagay ng mga pinggan at mangkok, nagpapahiwatig na iyon ang tahanan ng Diyos (25:8-9). Doon ay may 12 tinapay na iaalay sa Panginoon, kung paanong ilalaan din ito kay Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki upang kainin sa dakong banal (Lev. 24:5-9).

    Salamat sa Panginoon sa Kanyang mga probisyon, sapagkat Siya ang nagbibigay ng mga pagpapala upang matamo natin ito (Juan 3:27). Mamuhay tayong magkakalapit sa Kanyang mga pangako bilang isang tunay na pamilya ng Diyos.

    Lev. 24:5-9 — “Magluluto kayo ng labindalawang tinapay; isang salop ng mainam na harina ang gagamitin sa bawat isa. Ang mga ito ay ihahanay nang tig-aanim sa ibabaw ng mesang ginto. Bawat hanay ay lalagyan ng dalisay na insenso at pagkatapos ay susunugin bilang handog kay Yahweh. Tuwing Araw ng Pamamahinga, ang tinapay na ito ay ihahandog kay Yahweh. Ito'y gagawin ng bayang Israel sa habang panahon. Pagkatapos ihandog, ang mga tinapay na iyon ay ibibigay kay Aaron at sa kanyang mga anak. Kakainin nila iyon sa isang banal na lugar sapagkat iyon ay inilaan kay Yahweh. Ito ay tuntuning dapat sundin habang panahon.”

    Juan 3:27 — Sumagot si Juan, “Walang sinumang tatanggap ng anuman malibang ito'y ipagkaloob sa kanya ng Diyos.

  3. Ang Altar ng Sunugan ng Insenso. Si Aaron ay magsusunog ng mabangong insenso bawat umaga at takipsilim (30:7-8). Subalit sa pag-aalay ay hindi maaari ang anumang paghahadog. Ang mga saserdote ay hindi maaaring maghandog ng mga butil, inumin, at iba pang hindi ipinapahintulot na pag-aalay (30:9). Minsan isang taon, gaganapin ni Aaron sa altar ang seremonya sa pagpapatawad ng kasalanan (30:10).

    Patuloy tayong mag-alay ng panalangin at pagsamba sa Panginoon (Pahayag 5:8, 1Tesalonica 5:17, Roma 12:1-2). Gayunman ay maging maingat sa mga handog na hindi karapat-dapat. Tayo’y manalangin nang ayon sa Kanyang kalooban sa espiritu at katotohanan.

    Pahayag 5:8 — Nang ito'y kunin niya, nagpatirapa sa harapan ng Kordero ang apat na buháy na nilalang at ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno. Bawat isa'y may hawak na alpa at may gintong mangkok na punô ng insenso na siyang mga panalangin ng mga hinirang ng Diyos.

    1 Tesalonica 5:17 — palagi kayong manalangin,

    Roma 12:1-2 — Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap sa inyo na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba[a] ninyo sa Diyos. Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.