Mula sa Luma Patungo sa Bagong Tipan

Sulat sa Mga Hebreo - Part 17 • Mga Hebreo 9 • Marso 7, 2021 • Tagalog Service 8:00 AM

 

Sermon Introduction

Tinalakay ng may-akda ng Hebreo ang mga silid sa Tabernakulo: naroon ang dakong banal, at ang kabanal-banalang lugar. Hindi na binanggit ng may-akda ang patio sa labas ng tabernakulo. Binanggit din ang mga kasangkapan at mga gamit. Mahalagang tandaan ang mga posisyon ng altar na sunugan ng insenso, kung saan nag-aalay sa kabanal-banalang dako ang pinakapunong saserdote minsan sa isang taon (1-5). Siya’y nagdadala ng dugo ng hayop upang ihandog para sa kapatawaran ng kanyang sarili at maging sa kasalanan ng mga mamamayan. Ang dakong kabanal-banalan ay tanging para lang sa mga pinakapunong saserdote ayon sa lumang kaparaanan (6-8). Ang lumang tuntunin ay hindi nakapagpapalinis sa konsensiya ng mga tao dahil ito ay may kinalaman sa mga pagkain at mga seremonyang paglilinis lamang (9-10). Si Cristo ay nag-alay ng higit at mas mabuting paraan.

Eddie Labios Jr.
Pastor

 

 
 

Mga Hebreo 9 MBBTAG

1 Ang naunang tipan ay may mga alituntunin sa pagsamba at may sambahang ginawa ng tao. Itinayo ang isang tolda na may dalawang bahagi: ang una ay tinatawag na Dakong Banal at naroon ang ilawan, ang hapag at ang mga tinapay na handog sa Diyos; ang ikalawa ay nasa kabila ng pangalawang tabing at tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. Naroon ang gintong altar na sunugan ng insenso at ang Kaban ng Tipan, na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kaban ang sisidlang-ginto na may lamang manna, ang tungkod ni Aaron na nagkaroon ng usbong, at ang mga tapyas ng bato na kinasusulatan ng Tipan. At sa ibabaw ng kaban ay may mga kerubin, na nagpapakitang naroon ang Diyos. Nalililiman ng mga pakpak ng mga kerubin ang Luklukan ng Awa, ngunit hindi ngayon ang panahon para ipaliwanag nang isa-isa ang lahat ng ito.

Ganoon ang pagkakaayos sa loob ng kanilang toldang sambahan. Ang mga pari ay pumapasok araw-araw sa unang bahagi upang ganapin ang kanilang tungkulin. Ngunit tanging ang pinakapunong pari ang nakakapasok sa ikalawang bahagi, at ito'y minsan lamang niyang ginagawa sa loob ng isang taon. Siya'y may dalang dugo na inihahandog sa Diyos para sa kanyang mga kasalanan at para sa mga kasalanang hindi sinasadyang nagawa ng mga tao. Sa pamamagitan ng mga ito, maliwanag na itinuturo ng Espiritu Santo na ang daang papunta sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa bukás habang nakatayo pa ang unang bahagi ng tolda. Simbolo lamang ang mga iyon na tumutukoy sa kasalukuyang panahon. Ang mga kaloob at mga handog na iniaalay ay hindi nakakapagpalinis ng budhi ng mga sumasamba roon. 10 Ang paglilinis nila'y nauukol lamang sa pagkain at inumin at sa iba't ibang uri ng paglilinis, mga alituntuning panlabas lamang, na iiral hanggang sa baguhin ng Diyos ang lahat ng bagay.

11 Ngunit dumating na si Cristo, ang Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na narito na. At siya'y naglilingkod doon sa sambahang higit na dakila, walang katulad at hindi ginawa ng tao. Ang sambahang iyon ay wala sa sanlibutang ito. 12 Minsan lamang pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo'y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at guya ang kanyang inihandog, kundi ang sarili niyang dugo, upang magkaroon tayo ng walang hanggang kaligtasan. 13 Kung ang dugo ng mga kambing at toro, at ang abo ng dumalagang baka ang iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi upang sila'y luminis ayon sa Kautusan, 14 higit ang nagagawa ng dugo ni Cristo! Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu, inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili bilang handog na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating mga budhi sa mga gawang walang kabuluhan upang tayo'y makapaglingkod sa Diyos na buháy.

15 Kaya nga, si Cristo ang tagapamagitan ng bagong tipan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, ipinatawad ang paglabag ng mga tao noong sila'y nasa ilalim pa ng naunang tipan. Dahil dito, makakamtan ng mga tinawag ng Diyos ang walang hanggang pagpapala na kanyang ipinangako.

16 Kapag may testamento, kailangang mapatunayang patay na ang gumawa niyon, 17 sapagkat ang testamento ay walang bisa habang buháy pa ang gumawa; magkakabisa lamang iyon kapag siya'y namatay na. 18 Maging ang naunang tipan ay pinagtibay sa pamamagitan ng walang dugo. 19 Matapos ipahayag ni Moises sa mga tao ang bawat alituntunin sa Kautusan, kumuha siya ng dugo ng mga baka [at ng mga kambing] at hinaluan niya iyon ng tubig. Kumuha siya ng pulang lana at sanga ng hisopo, at isinawsaw iyon sa dugong may halong tubig. Winisikan ang aklat ng Kautusan at ang mga tao. 20 Kasabay nito'y kanyang sinabi, “Ito ang dugong nagpapatibay sa tipan na ibinigay ng Diyos at ipinag-utos niya na tuparin ninyo.” 21 Winisikan din niya ng dugo ang tolda at ang mga kagamitan sa pagsamba. 22 Ayon sa Kautusan, halos lahat ng bagay ay nililinis sa pamamagitan ng dugo, at kung walang pag-aalay ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan.

23 Ang mga bagay sa sambahang iyon ay larawan lamang ng mga nasa langit, at kinakailangang linisin sa pamamagitan ng mga handog. Ngunit higit na mabubuting handog ang kinakailangan sa paglilinis ng mga bagay sa sambahang nasa langit. 24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay na sambahan. Sa langit mismo siya pumasok at ngayo'y nasa harap na siya ng Diyos at namamagitan para sa atin.

25 Ang pinakapunong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit si Cristo'y minsan lamang pumasok upang ihandog ang kanyang sarili. 26 Kung hindi gayon, kailangan sanang paulit-ulit na siya'y mamatay mula pa nang likhain ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siyang nagpakita, ngayong magtatapos na ang panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng handog na kanyang inialay. 27 Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. 28 Gayundin naman, si Cristo'y minsan lamang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya'y muling darating, hindi upang muling ihandog dahil sa kasalanan, kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.

Notes

Tinalakay ng may-akda ng Hebreo ang mga silid sa Tabernakulo: naroon ang dakong banal, at ang kabanal-banalang lugar. Hindi na binanggit ng may-akda ang patio sa labas ng tabernakulo. Binanggit din ang mga kasangkapan at mga gamit. Mahalagang tandaan ang mga posisyon ng altar na sunugan ng insenso, kung saan nag-aalay sa kabanal-banalang dako ang pinakapunong saserdote minsan sa isang taon (1-5). Siya’y nagdadala ng dugo ng hayop upang ihandog para sa kapatawaran ng kanyang sarili at maging sa kasalanan ng mga mamamayan. Ang dakong kabanal-banalan ay tanging para lang sa mga pinakapunong saserdote ayon sa lumang kaparaanan (6-8). Ang lumang tuntunin ay hindi nakapagpapalinis sa konsensiya ng mga tao dahil ito ay may kinalaman sa mga pagkain at mga seremonyang paglilinis lamang (9-10). Si Cristo ay nag-alay ng higit at mas mabuting paraan.

  1. Si Cristo ang pinakapunong saserdote na pumasok sa dakong banal ng tabernakulo sa langit na hindi ginawa ng tao. Sa Kanyang pagpasok ay ini-alay ang sariling dugo, na higit na mataas kaysa sa dugo ng mga hayop na ginamit sa seremonyal na paglilinis. Ang walang bahid Niyang dugo ang lumilinis ng puso’t isipan (konsensiya o budhi) sa pamamagitan ng Banal na Espiritu mula sa mga gawaing walang kabuluhan (11-14).

  2. Si Cristo ang tagapamagitan ng bagong tipan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan. Kailangan ang kamatayan para maipatupad ang isang tipan. Sa Luma, ito ay kamatayan ng hayop na inihahandog. Sa Bago, ang kamatayan ni Cristo ang nagpatupad nito. Kailangan ang pagbubuhos ng dugo upang magkabisa ang kapatawaran sa kasalanan (15-22).

  3. Si Cristo ang ganap na handog minsan lamang at ito’y panghabang panahon. Ini-alay ang Kanyang sarili para sa mga makasalanan. Hindi ito tulad ng pag-aalay noon na umiral sa mundo at may bisa lang ng isang taon. Ang Kanyang pag-aalay ay nag-alis ng kasalanan ng marami (hindi lahat). Sa Kanyang pagbabalik, Hindi Niya hahatulan ang sinumang sa Kanya, kundi upang ibigay ang ganap na kaligtasan (23-28).

Pagsasabuhay

  1. Manalig, na ang pag-aalay ni Cristo ay sapat. Ang Kanyang dugo ay walang dungis. Sa pamamagitan ng Kanyang dugo, ang Banal na Espiritu ang naglilinis ng ating puso’t isipan mula sa mga gawa na walang kabuluhan. Kay Cristo, ang ating pananalig ay nagbubunga ng malinis na budhi.

  2. Manalig na ang Kanyang kamatayan ay humantong sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Walang kapatawaran kung walang pag-aalay ng isang walang sala. Ang walang salang buhay ni Cristo ang naging alay para sa kapatawaran ng taong nagsisi sa mga kasalanan.

  3. Manalig na ang Kanyang pag-aalay ng buhay ay sapat. Hindi na kailangan pang ulit-ulitin ang proseso ng pag-aalay ng mga hayop. Hindi na kailangan ang mga gawaing walang kabuluhan. Ang Kanyang nag-iisang sakripisyo ay sapat na upang patawarin sa kasalanan kahit pa ang buong henerasyon ng tao na lumalapit kay Cristo.  

Talakayan at Pagnilay-nilay

  1. Ipaliwanag ang mga gawaing seremonyal na ritwal sa Lumang Tipan, lalo na ang pinakapunong saserdote.

  2. Ipaliwanag ang kahalagahan ng dugo ni Cristo sa Bagong Tipan.

  3. Ipaliwanag ang pangangailangan ng kamatayan sa Luma at Bagong tipan.

  4. Ano ang kahulugan ng mga katotohanang ito sa iyo?