Kahigitan ni Cristo

sa Mga Anghel

Sulat sa Mga Hebreo - Part 2 • Mga Hebreo 1:4-14 • Setyembre 13, 2020 • Tagalog Service 8:00 AM

 

Sermon Introduction

Ang may akda ng sulat sa Hebreo ay pinatotohanan na si Cristo ay nakahihigit sa mga propeta.

Ang Diyos ay nagsalita sa pamamagitan ng mga propeta sa Lumang Tipan. Subalit ngayon, ang Diyos ay nagsasalita sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Anak. Hanggang sa panahong kasalukuyan, ang mensahe ng Diyos ay ipahahayag sa pamamagitan ng Anak. Si Cristo ay higit na dakila sa mga propeta.

Si Cristo ay nakahihigit maging sa mga anghel. Napakalaki ng pagkakaiba. Ang mga anghel ay mga espiritung naglilingkod sa Diyos. Subalit ang kanilang kalagayan ay hindi maihahalintulad sa Anak ng Diyos. Ang mamamayang Judio noon ay naniniwala na ang mga anghel ay nilalang na binibigyan ng mataas na parangal. Naniniwala din sila na ang mga anghel ay katulad ng isang konseho sa harap ng Diyos. Ipinaliwanag ng sumulat ng Hebreo na ang mga anghel ay espiritung tagapaglingkod, na hindi mataas ang kalagayan kumpara sa Anak.

Arnel Rivera Pastor

 
 
 

Mga Hebreo 1:4-14 MBBTAG

Ang Anak ay ginawang higit na dakila kaysa mga anghel, tulad ng pangalan na ibinigay sa kanya ng Diyos ay higit na dakila. Sapagkat kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,

“Ikaw ang aking Anak,
    mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.”

Ni hindi rin niya sinabi sa kaninumang anghel,

“Ako'y magiging kanyang Ama,
    at siya'y magiging aking Anak.”

At nang isusugo na ng Diyos ang kanyang panganay na Anak sa sanlibutan ay sinabi niya,

“Dapat siyang sambahin ng lahat ng mga

anghel ng Diyos.”

Tungkol naman sa mga anghel ay sinabi niya,

“Ginawa niyang hangin ang kanyang mga anghel,
    at ningas ng apoy ang kanyang mga lingkod.”

Ngunit tungkol sa Anak ay sinabi niya,

“Ang iyong trono, O Diyos, ay magpakailan pa man,
    ikaw ay maghaharing may katarungan.
Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi;
kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;
    higit sa sinumang hari, kagalakang natatangi.”

10 Sinabi pa rin niya,

“Panginoon, nang pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan,
    at ang mga kamay mo ang siyang gumawa ng kalangitan.
11 Maliban sa iyo, lahat ay lilipas,
    at tulad ng damit, lahat ay kukupas,
12 at ililigpit mong gaya ng isang balabal,
    at tulad ng damit, sila'y papalitan.
Ngunit mananatili ka at hindi magbabago,
    walang katapusan ang mga taon mo.”

13 Kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,

“Maupo ka sa kanan ko,
    hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”

14 Ano ang mga anghel, kung ganoon? Sila'y mga espiritung naglilingkod sa Diyos at mga isinugo upang tumulong sa mga magkakamit ng kaligtasan.

Notes

Ang may akda ng sulat sa Hebreo ay pinatotohanan na si Cristo ay nakahihigit sa mga propeta. Ang Diyos ay nagsalita sa pamamagitan ng mga propeta sa Lumang Tipan. Subalit ngayon, ang Diyos ay nagsasalita sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Anak. Hanggang sa panahong kasalukuyan, ang mensahe ng Diyos ay ipahahayag sa pamamagitan ng Anak. Si Cristo ay higit na dakila sa mga propeta.

Si Cristo ay nakahihigit maging sa mga anghel. Napakalaki ng pagkakaiba. Ang mga anghel ay mga espiritung naglilingkod sa Diyos. Subalit ang kanilang kalagayan ay hindi maihahalintulad sa Anak ng Diyos. Ang mamamayang Judio noon ay naniniwala na ang mga anghel ay nilalang na binibigyan ng mataas na parangal. Naniniwala din sila na ang mga anghel ay katulad ng isang konseho sa harap ng Diyos. Ipinaliwanag ng sumulat ng Hebreo na ang mga anghel ay espiritung tagapaglingkod, na hindi mataas ang kalagayan kumpara sa Anak (tal.7,14).

  1. Nakamit ni Jesu Cristo ang higit na dakilang pangalan kumpara sa mga anghel (tal.4). Si Cristo ang tanging kaisa-isang Anak ng Diyos. Ang mga anghel ay nilalang upang sumamba sa Kanya (tal.5-6). Walang anghel na nilalang upang maging kapantay Niya. 

  2. Ang tawag ng Diyos sa Kanyang Anak, ay Diyos, ito’y katibayan mula sa Biblia ng pagka Diyos ni Cristo (tal.8-12). Tinawag din Siyang  “ang Panganay” (first-born) na nagpapahiwatig ng Kanyang katayuan, hindi ng pagkalalang. Ang titulong “Anak” ay ibinigay sa Kanya ng Siya’y magkatawang tao. Ngunit bago ang Kanyang pagkakatawang-tao, Siya ang Salita na lumalang sa sanlibutan (Juan 1:1-3).

  3. Ang Panginoong Jesu Cristo ay umupo sa kanan ng Diyos, ang pinakamataas na kapangyarihan (awtoridad) sa buong sansinukob, mataas pa kaysa sa mga anghel (tal.13). Kaya ang Anak ay may kapamahalaan sa lahat, maging sa mga anghel, kung paanong sila ay mga naglilingkod din sa Anak.

Pagsasabuhay

  1. Igalang natin ang Kanyang pangalan. Manindigan, na ang Kanyang pangalan ay dakila at pinakadakila sa lahat. Tanging pangalan Niya ang ibinigay para sa kaligtasan ng tao (Gawa 4:12). Purihin at ipahayag sa lahat ang Kanyang pangalan na higit na mataas sa mga anghel, sa mga tao, sa lider ng relihiyon, mga santo, at maging sa mga taong higit na nagpapahalaga sa paglilingkod sa Diyos. 

  2. Manindigan sa pagka Diyos ni Cristo. Siya ang Anak ng Diyos na hinirang ng Ama, na Diyos. At tinawag Siya ng Ama, ang Kanyang Anak, na Diyos. Sila ay iisa, ganunman dalawang persona sa Trinidad (Trinity). Ang ikatlong persona sa Trinidad ay ang Banal na Espiritu. Ang Tatlo ay isa sa pagka Diyos, ngunit tatlong persona. 

  3. Magpasakop sa dakilang kapangyarihan ni Jesu Cristo. Siya ang Panginoon ng lahat. Kaya’t magpasakop tayo sa ilalim ng kapangyarihan ng Kanyang salita, ang Banal na Kasulatan. Dapat nating ipahayag ang mensahe ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, upang ang lahat ay magsisi para sa kapatawaran ng kasalanan. 

Talakayan

  1. Tukuyin ang mga pagkakaiba na binanggit ng sumulat ng Hebreo sa pagitan ng Anak at mga anghel. 

  2. Ano ang malaking kaibahan sa pagitan ng mga anghel at ang Anak?

  3. Paano natin igagalang ang Kanyang pangalan at paninindigan na higit Siya kaysa sa lahat ng mga anghel, tagapamuno ng mga relihiyon, at sa lahat ng tao?

  4. Paano natin ipapamuhay ang ating pagpapasakop sa Kanyang dakilang kapangyarihan at pinakamataas na awtoridad?