Pananampalatayang Nakalulugod sa Diyos

Sulat sa Mga Hebreo - Part 23 • Mga Hebreo 11:4-6 • April 18, 2021 • Tagalog Service 8:00 AM

 

Sermon Introduction

Nais ng may-akda na ang mga mananampalatayang Judio ay ipagpatuloy ang kanilang pananalig sa Diyos kahit nararanasan nila ang persekusyon at mga kahirapang kinakaharap. Sila’y binalaan niya tungkol sa itinadhanang hantungan ng mga tumatalikod kay Cristo at sila’y pina-alalahanan ng kanilang katapatan sa mga nagdaang panahon, maging ang kanilang pagtulong sa mga dumanas ng persekusyon dahil sa pananalig kay Cristo ay ipina-alaala.

Pagkaraan ay ipinaliwanag ng may-akda na ang pananampalataya, ay ang katiyakan at pagtitiwala sa mga bagay na ating inaasahan. Sa pananampalataya ay nakikita ang mga pangako ng Diyos kay Cristo bilang katibayan sa mga bagay na hindi nakikita. Ang Diyos at ang Kanyang salita ay hindi nakikita, at ang mga pangako ay hindi nahihipo. Gayunman, sa pananampalataya ay may kompiyansa na ang Diyos ang lumikha ng sanlibutan at Kanyang tutuparin ang lahat ng Kanyang mga pangako kay Cristo.


Eddie Labios Jr.
Pastor

 

 
 

Mga Hebreo 11:4-6 MBBTAG

Dahil sa pananampalataya sa Diyos, si Abel ay nag-alay ng mas mabuting handog kaysa sa inihandog ni Cain. Kaya naman, si Abel ay kinilalang matuwid nang tanggapin ng Diyos ang kanyang handog. Kahit patay na, nagsasalita pa siya sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.

Dahil sa pananampalataya, si Enoc ay hindi nakaranas ng kamatayan. Hindi na siya nakita sapagkat kinuha siya ng Diyos. Sinasabi sa kasulatan na si Enoc ay naging kalugud-lugod bago siya kinuha ng Diyos. Hindi maaaring kalugdan ng Diyos ang walang pananampalataya sa kanya, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya.

Notes

Nais ng may-akda na ang mga mananampalatayang Judio ay ipagpatuloy ang kanilang pananalig sa Diyos kahit nararanasan nila ang persekusyon at mga kahirapang kinakaharap. Sila’y binalaan niya tungkol sa itinadhanang hantungan ng mga tumatalikod kay Cristo at sila’y pina-alalahanan ng kanilang katapatan sa mga nagdaang panahon, maging ang kanilang pagtulong sa mga dumanas ng persekusyon dahil sa pananalig kay Cristo ay ipina-alaala.

Pagkaraan ay ipinaliwanag ng may-akda na ang pananampalataya, ay ang katiyakan at pagtitiwala sa mga bagay na ating inaasahan. Sa pananampalataya ay nakikita ang mga pangako ng Diyos kay Cristo bilang katibayan sa mga bagay na hindi nakikita. Ang Diyos at ang Kanyang salita ay hindi nakikita, at ang mga pangako ay hindi nahihipo. Gayunman, sa pananampalataya ay may kompiyansa na ang Diyos ang lumikha ng sanlibutan at Kanyang tutuparin ang lahat ng Kanyang mga pangako kay Cristo.

  1. Ipinaliwanag ng may-akda kung bakit ang alay ni Abel ay higit na mabuti kaysa kay Cain. Ang paliwanag ay pananampalataya. Si Abel ay naghandog nang may pananalig, kung paanong ito ay katibayan na siya’y taong matuwid. Diyos ang nagpatunay nito. Kahit siya ay patay na, ang kanyang dugo ay nagsasalita pa sa kanyang pananampalataya (11:4).

  2. Ipinaunawa ng may-akda na si Enoc ay kinalugdan ng Diyos sa pamamagitan ng pananalig. Si Enoc ay hindi na nakita sapagkat kinuha ng Diyos (11:5). Si Enoc ay isa sa dalawang tao sa Lumang Tipan na hindi nakaranas ng kamatayan. Siya’y direktang dinala ng Diyos sa langit. Ang isang tao na hindi nakaranas ng kamatayan ay si Elias.

  3. Pinagtibay ng may-akda na kung walang pananalig ay imposibleng makapagbigay kaluguran sa Diyos. Ang isang sumasampalataya ay dapat manalig na mayroong Diyos at Siya’y nagbibigay gantimpala sa sinumang masigasig na humahanap sa Kanya (11:6). Ang mga binanggit na bayani sa Lumang Tipan ay kinalugdan ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya. Maliwanag na masigasig nilang hinanap ang Diyos.

Pagsasabuhay

  1. Ating tiyakin na ang lahat nating alay kay Cristo ay nagsisimula sa pananampalataya. Ang ating pagbibigay sa gawain ng Diyos ay dapat sa pamamagitan ng pananalig, na ating nauunawaan na ito’y nakapagbibigay kaluguran sa Diyos. Ang lahat nating ginagawang pagsasakripisyo para sa Kanya ay sa pamamagitan ng pananalig.

  2. Maniwala na ang ating pananampalataya ay magdudulot sa atin nang pagiging malapit sa Diyos. Ang pananampalataya ay nakikita, batay sa pamamagitan ng ating mga isipan, damdamin, at mga kilos mula sa salita ng Diyos. Huwag tayong manumbalik sa kawalang pananalig sa halip ay mamuhay tayo sa pananampalataya sa pamamagitan ng Kanyang salita.

  3. Ang pananampalataya ay nagbibigay lugod sa Diyos. Pananampalataya sa ano? Pagtitiwala sa Kanyang pangako kay Cristo. Kaya’t ipahayag natin ang Ebanghelyo, na sumasalamin sa mga pangako ng kapatawaran, isang personal na relasyon, at ang isinulat na kautusan ng Diyos sa ating puso at isipan.

Talakayan at Pagninilay-nilay:

1. Bakit mas mainam ang pag-aalay ni Abel kaysa sa alay ni Cain?

2. Paano kinalugdan ng Diyos si Enoc?

3. Ano ang mga bagay na maaaring magbigay lugod sa Diyos?

4. Paano mo mai-uugnay ang pahayag ng may-akda tungkol sa pananalig, sa konteksto ng mga mananampalatayang Judio?

5. Paano mo mai-uugnay ang pananampalataya sa iyong sariling konteksto?