Pananampalataya at Sakripisyo

Sulat sa Mga Hebreo - Part 28 • Mga Hebreo 11:17-19 • May 23, 2021 • Tagalog Service 8:00 AM

 

Sermon Introduction

Isinulat ng may-akda ang mga taong kinalugdan ng Diyos. Sila ay sina Abel, Enoc, Noe, Abraham, at Sara. At may iisang bagay na taglay nilang lahat, ito ay ang kanilang pananampalataya sa hindi nakikitang Diyos at pananalig sa Kanyang salita. Kaya’t nilinaw ng may-akda na ang kawalang pananalig ay imposibleng malugod ang Diyos (11:6).

Isa sa mga kasaysayan ng pananalig na maaala-ala ng marami ay ang kasaysayan ng buhay ni Abraham at Isaac sa bundok ng Moria. Inutusan ng Diyos si Abraham na ihandog ang kanyang minamahal na anak, ito ang anak kung paanong gagawin ng Diyos ang katuparan ng Kanyang pangako. Ang edad ni Isaac ay hindi malinaw nang igapos ng ama upang tupdin ang utos ng Panginoon. Maaaring 20 o 30 taong gulang.

Si Abraham ay nagpatuloy sa paglalakbay at paghahanda ng dambana. Makikita na lubos ang kusang pagsunod at pagpapasakop ni Isaac sa proseso ng pag-aalay. Sinubok ng Diyos si Abraham, at kanyang napagtagumpayan ang pagsubok sa pananampalataya. Sa puso niya ay nahahayag ang kanyang pananalig sa Diyos. Walang naging hadlang, maging ang kanyang minamahal na anak.

Eddie Labios Jr.
Pastor

 

 
 

Mga Hebreo 11:17-19 MBBTAG

 17 Nang subukin ng Diyos si Abraham, pananampalataya din ang nag-udyok sa kanya na ialay si Isaac bilang handog sa Diyos. Buong puso niyang inihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos 18 na kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. 19 Naniwala siya na kaya ng Diyos na bumuhay ng patay, kaya't sa patalinghagang pangungusap, naibalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay.

Notes

Binanggit ng may-akda ang mga patriyarka, si Abraham, Isaac, at Jacob, at ang mga kapwa tagapagmana ng parehong pangako, at namuhay bilang mga dayuhan sa lupa. Nanirahan sila sa mga tolda sapagkat nakatuon ang paningin sa isang higit na mabuting tirahan, ang lugar sa langit. Ang lupang pangako ay hindi wagas na pangako, kundi si Jesu Cristo na ating Panginoon.

Ang tanging daan upang humantong sa mabuting tirahan doon sa langit ay sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo, hindi mabuting gawa, hindi ang mga gawa ng kautusan. Imposibleng malugod ang Diyos sa hindi sumasampalataya. At ang pananampalataya ay ang katiyakan ng mga bagay na ating inaasahan, at ang katibayan ng mga bagay na darating.

Ang pananampalataya ay nagtitiwala nang walang alinlangan sa Diyos at sa Kanyang mga pangako kay Cristo. Hinahangad ng may-akda na himukin ang mga mananampalatayang Judio na manatili sa kanilang pananalig at ang pananampalataya nila ay dapat maging matiisin. At tulad sa mga patriyarka, dapat nilang tanggapin ang mga pangakong hindi nila nakita.

  1. Sa pananalig, inihanda ni Abraham si Isaac upang ihandog nang subukin siya ng Diyos. Ang patriyarka ay nagpatuloy sa pagsunod sa kabila ng mahirap na utos sa kanya ng Diyos. Kung walang pananalig, hindi magagawa ni Abraham ang pagsunod sa Diyos (11:17).

  2. Isa sa mga pangako ng Diyos kay Abraham ay ang pagdami ng kanyang mga inapo, sukdulang hindi na ito kayang bilangin. Ang pangako ay sa pamamagitan ni Isaac at hindi kay Ismael (11:18).

  3. Si Abraham ay sumampalataya, at sumunod sa mga utos ng Diyos. Nang ialay niya si Isaac, ang patriyarka ay nananalig na muling bubuhayin ng Diyos si Isaac mula sa mga patay upang isakatuparan Niya ang kanyang pangako. Si Isaac ay isang uri ng paglalarawan ng kaganapan kay Cristo (11:19).

Pagsasabuhay

  1. Asahang susubukin ng Diyos ang ating pananampalataya dahil ginagawa Niya ito, ito man ay kahirapan o kasaganaan. Sa pananampalataya, ating sundin ang salita ng Diyos kahit sa gitna ng mga kahirapan, o kahit mawala man ang lahat ng bagay. Isuko natin ang lahat sa Kanya.

  2. Tutuparin ng Diyos ang Kanyang pangako kay Abraham na pagpapalain ang bawat bansa, sila ang mga mamamayan mula sa bawat wika at mga katutubo. Ang katuparan kay Cristo ay maging alagad ang lahat ng mga bansa. Kaya’t gawin nating alagad ni Cristo ang mga tao.

  3. Ang pananampalataya ay nagbibigay ng kompiyansa na makilala natin ang Diyos na Siya’y makapangyarihan. Ang Kanyang kalooban ay tiyak anuman ang mangyari. Ang katotohanan sa isang uri ng paglalarawan, ay ang ini-alay ng Ama ang Kanyang Anak at ang Anak ay muling nabuhay. Tinatawagan Niya ang lahat ng tao na manalig sa Kanyang Anak at pagsisihan ang mga kasalanan nang sa gayon ay ibibigay ng Diyos ang buhay sa kanilang mga kaluluwa.