Pag-ibig at Disiplina

Sulat sa Mga Hebreo - Part 35 • Mga Hebreo 12:3-8 • July 11, 2021 • Tagalog Service 8:00 AM

 

Sermon Introduction

Ang paksa ng sulat sa mga Hebreo ay nakasentro tungkol sa kahigitan ni Cristo sa Judaismo. Higit pa riyan, Siya ay Diyos. Layunin din ng may-akda na bigyang babala ang mga bumabasa na magpatuloy sila sa pananampalataya, tiisin ang mga sumasalungat at mga persekusyon. Nagtagubilin ang may-akda sa mga bumabasa na kanilang talikuran ang mga kasalanang nagdudulot ng kapahamakan sa buhay, at manatiling nakatuon ang paningin kay Jesu Cristo, Siya ang may-akda at hangganan ng kanilang pananampalataya.

Minsan pang nagpa-alaala ang may-akda sa mga bumabasa, na tumakbong may taglay na katatagan sa paligsahang nakaukol sa atin. Kasama din sa kanyang pagpapahayag na ituon ang paningin kay Jesus, ang tagapanguna, at kaganapan ng kanilang pananampalataya.

Si Cristo ay nagtiis sa mga balakid, tiniis ang kahihiyan, at pagkatapos ay umupo sa kanang bahagi sa trono ng Diyos (12:1). Pagkaraan ay tinalakay ng may-akda ang kahalagahan ng disiplina upang ang mga bumabasa ay hindi panghinaan ng loob kapag ang Diyos ay nagpapadama ng Kanyang disiplina sa kanila.

Eddie Labios Jr.
Pastor

 

 
 

Mga Hebreo 12:3-8 MBBTAG

Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang pag-uusig sa kamay ng mga makasalanan, upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob. Hindi pa humahantong sa pagdanak ng dugo ang pakikipaglaban ninyo sa kasalanan. Nalimutan na ba ninyo ang panawagan ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya, mga salitang nagpapalakas ng loob?

“Anak ko, huwag mong baliwalain ang pagtutuwid ng Panginoon,
    at huwag kang panghihinaan ng loob kapag ikaw ay dinidisiplina niya.
Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,
    at pinapalo ang itinuturing niyang anak.”

Tiisin ninyo ang lahat ng hirap tulad sa pagtutuwid ng isang ama, dahil ito'y nagpapakilalang kayo'y tinatanggap ng Diyos bilang tunay niyang mga anak. Sinong anak ang hindi dinidisiplina ng kanyang ama? Kung ang pagdidisiplina na ginagawa sa lahat ng anak ay hindi gagawin sa inyo, hindi kayo tunay na mga anak kundi kayo'y mga anak sa labas. 

Notes

Ang paksa ng sulat sa mga Hebreo ay nakasentro tungkol sa kahigitan ni Cristo sa Judaismo. Higit pa riyan, Siya ay Diyos. Layunin din ng may-akda na bigyang babala ang mga bumabasa na magpatuloy sila sa pananampalataya, tiisin ang mga sumasalungat at mga persekusyon. Nagtagubilin ang may-akda sa mga bumabasa na kanilang talikuran ang mga kasalanang nagdudulot ng kapahamakan sa buhay, at manatiling nakatuon ang paningin kay Jesu Cristo, Siya ang may-akda at hangganan ng kanilang pananampalataya.

Minsan pang nagpa-alaala ang may-akda sa mga bumabasa, na tumakbong may taglay na katatagan sa paligsahang nakaukol sa atin. Kasama din sa kanyang pagpapahayag na ituon ang paningin kay Jesus, ang tagapanguna, at kaganapan ng kanilang pananampalataya.

Si Cristo ay nagtiis sa mga balakid, tiniis ang kahihiyan, at pagkatapos ay umupo sa kanang bahagi sa trono ng Diyos (12:1). Pagkaraan ay tinalakay ng may-akda ang kahalagahan ng disiplina upang ang mga bumabasa ay hindi panghinaan ng loob kapag ang Diyos ay nagpapadama ng Kanyang disiplina sa kanila.

  1. Katapangan kay Cristo Pinasisigla ng may-akda ang mga bumabasa na hindi sila dapat panghinaan ng loob sa halip ay isipin ang halimbawa ni Cristo mula sa pagtitiis sa mga pag-uusig ng mga taong makasalanan. Gayunman, tinukoy ng may-akda na hindi pa humahantong sa kamatayan ang kanilang pagtitiis laban sa kasalanan.

  2. Pag-ibig at Disiplina Ang may-akda ay nagpaala-ala sa mga mananampalatayang Judio na pahalagahan ang disiplina ng Panginoon at huwag manlupaypay kung sila ay itinutuwid. Sapagkat nagdidisiplina ang Panginoon sa mga taong Kanyang minamahal at itinuturing na Kanyang mga anak.

  3. Disiplina para sa mga anak Hinihimok ng may-akda ang mga bumabasa na ituring bilang disiplina ng Diyos ang pagtitiis sa mga kahirapan. Kung sila’y dinidisiplina, sila’y maituturing na mga anak ng Diyos dahil kung hindi sila dinidisiplina, sila’y hindi tunay na mga anak ng Diyos.

Pagsasabuhay

  1. Hanapin ang Katapangan kay Cristo Isaalang-alang ang mga pagtitiis ng Panginoon, mula sa Kanyang paghihirap at kamatayan. Lagi nating isipin ito kapag dumaraan tayo sa bawat oras ng kahirapan dahil sa ating pananampalataya. Si Cristo ay nagtiis hanggang kamatayan, at pagkaraan ay muli Siyang nabuhay.

  2. Pahalagahan ang Pag-ibig at Disiplina ng Diyos Ating pagyamanin ang disiplina ng Panginoon. Huwag nating tratuhing magaan ang Kanyang disiplina. Huwag panghinaan ng loob kapag itinutuwid at sinasaway tayo. Sa halip, mapagkumbabang tanggapin natin bilang pagkilala na tayo ay Kanyang mga anak.

  3. Taglayin ang Kompiyansa sa Disiplina ng Diyos Ginagamit Niya ang mga pagsubok at persekusyon upang turuan at hubugin tayo. Sa ilang pagkakataon, ginagamit ng Diyos ang kahirapan sa mga pag-uusig o parusa upang ipaala-ala sa atin ang Kanyang salita.

Talakayan/Pagmumunimuni:

1. Papaano hinikayat ng may akda ang mga mananampalataya na hwag panghinaan ng loob?

2. Ano-ano ang Tinalakay ng may akda patungkol sa disiplina?

3. Ano ang dapat na maging pananaw natin patungkol sa Disiplina?